Showing posts with label Pampanga. Show all posts
Showing posts with label Pampanga. Show all posts

Jose Alejandrino (1870-1951)

NHCP Photo Collection, 2025

NHCP Photo Collection, 2025

NHCP Photo Collection, 2025

Location: Municipal Grounds, Arayat, Pampanga
Category: Personages
Type: Biographical marker
Status: Level II - Historical marker
Marker date: 1 December 2025
Installed by: National Historical Commission of the Philippines (NHCP)
Marker text:
JOSE ALEJANDRINO 
1870-1951

PROPAGANDISTA AT REBOLUSYONARYO. ISINILANG SA BINONDO, MAYNILA MULA SA MAG-ASAWANG SINA MARIANO ALEJANDRINO, ISANG KILALANG LIBERAL AT KASAPI NG JUVENTUD ESCOLAR LIBERAL NOONG 1869, AT ROSA MATIAS MAGDANGAL NG ARAYAT, PAMPANGA, 1 DISYEMBRE 1870. KASAMANG BUMALANGKAS SA UNANG ISYU NG LA SOLIDARIDAD, 1889. INATASAN NI ANDRES BONIFACIO NA MAMILI NG ARMAS SA HONG KONG AT HAPON, 1896-1897. ISA SA MGA TAGAPAGTATAG NG COMITE REVOLUCIONARIO (NAGING HONG KONG JUNTA), DISYEMBRE 1896, AT NAATASAN NITONG MANMANAN ANG PAG-ATAKE NG AMERIKA SA MAYNILA, 27 ABRIL 1898. KINATAWAN, KONGRESO NG MALOLOS, 4 SETYEMBRE 1898; DIREKTOR NG AGRIKULTURA AT INDUSTRIYA NG PAMAHALAANG REBOLUSYUNARYO, 1898; AT KALIHIM NG DIGMA, 1899. KOMANDANTE NG GITNANG LUZON NOONG DIGMAANG PILIPINO-AMERIKANO, 1900. SUMUKO SA MGA AMERIKANO, 28 ABRIL 1901. NAGING SENADOR, 1925-1928 AT DELEGADO, CONSTITUTIONAL ASSEMBLY, 1934-1935. PUMANAW, 1 HUNYO 1951.

St. Scholastica's Academy

NHCP Photo Collection, 2025

NHCP Photo Collection, 2025

NHCP Photo Collection, 2025

NHCP Photo Collection, 2025

Location: St. Scholastica’s Academy, McArthur Highway, Brgy. Quebiawan, San Fernando, Pampanga
Category: Association/Institution/Organization
Type: Institutional marker
Status: Level II - Historical marker
Marker date: 20 November 2025
Installed by: National Historical Commission of the Philippines (NHCP)
Marker text:
ST. SCHOLASTICA’S ACADEMY

ITINATAG BILANG ASSUMPTION ACADEMY SA PANGUNGUNA NINA SOR CRESENTIA VESER, SOR LUITGARD SCHANBECK, SOR RUDOLPHINE BILDSTEIN, SOR RICHARDA HERMANN AT SOR CELSA RIEGER NG MISSIONARY BENEDICTINE SISTER NG TUTZING, ALEMANYA BILANG TUGON SA KAHILINGAN NI MONSIGNOR PRUDENCIO DAVID NA NOO’Y KURA PAROKO NG SAN FERNANDO NA MAGKAROON NG PAARALAN SA PANGANGASIWA NG PAROKYA. UNANG BINUKSAN SA TAHANAN NG PAMILYA SINGIAN PARA SA MGA MAG-AARAL SA ELEMENTARYA, HUNYO 1925. BINUKSAN ANG ANTAS SEKONDARYA PARA SA MGA KABABAIHAN, 1926. INILIPAT SA BAGONG GUSALING IDINISENYO NI FERNANDO OCAMPO Y HIZON SA POBLASYON SA PAMUMUNO NI SOR WINFRIEDA MUEHLER, 1931. ISINALIN NG PAGMAMAY-ARI SA MGA MADRE NG KONGREGASYONG BENEDIKTINO, 1938. KALAUNA’Y BINUKSAN PARA SA MGA KALALAKIHANG MAG-AARAL SA ELEMENTARYA. GINAMIT NG MGA HAPONES BILANG PAGAMUTANG MILITAR, 1941-1945. PINANGALANANG ST. SCHOLASTICA’S ACADEMY, 1966. INILIPAT ANG ANTAS SEKONDARYA SA BARANGAY QUEBIAWAN, 1972. PANSAMANTALANG IPINAGAMIT ANG ILANG MGA GUSALI SA SOCIAL ACTION CENTER NG LALAWIGAN AT KONGREGASYONG SALESIANO NG DON BOSCO NA NASALANTA NG BAGYO AT PAGPUTOK NG BULKANG PINATUBO, 1994-1995. AKTIBONG NAKIKILAHOK SA PAGSULONG NG MABUTING PAMAMAHALA AT MAPAGBAGONG EDUKASYON HANGGANG SA KASALUKUYAN.

Obispo Cesar Ma. Guerrero (1885-1861)

NHCP Photo Collection, 2025

NHCP Photo Collection, 2025

NHCP Photo Collection, 2025

Location: Mother of Good Counsel Seminary, San Fernando, Pampanga
Category: Personages
Type: Biographical marker
Status: Level II - Historical marker
Marker date: 8 September 2025
Installed by: National Historical Commission of the Philippines (NHCP)
Marker text:
OBISPO CESAR MA. GUERRERO (1885-1861)

OBISPO AT REPORMISTA. ISINILANG SA ERMITA, MAYNILA, 26 ENERO 1885 KINA AURORA DOMINGUEZ AT LEON MA. GUERRERO Y LEOGARDO. UNANG PILIPINONG PARMAKOLOGO. UNANG KALIHIM NG KALAKALAN NG AGRIKULTURA. NAGTAPOS SA ATENEO MUNICIPAL AT UNIBERSIDAD NG SANTO TOMAS. UNANG PILIPINONG NAGTAPOS SA KOLEHIYO GREGORIANO AT TUMANGGAP NG DOKTORADO SA TEOLOHIYA, 1913, AT SA BATAS KANONIKO SA ROMA, 1915, KUNG SAAN DIN SYA NAORDENAHAN, 1914. PAGBALIK SA PILIPINAS, NADESTINO SA PAROKYA NG BINONDO, 1915; KAPELYAHAN NG HOSPICIO DE SAN JOSE, 1917. PINAKABATANG OBISPO NG PILIPINAS NANG ITINALAGA BILANG OBISPO NG LINGAYEN, 1929. KATUWANG NA OBISPO NG ARKIDIYOSESIS NG MAYNILA, 1937. UNANG OBISPO NG SAN FERNANDO, PAMPANGA, 1949. TAGAPAGTATAG NG MAPAGBAGONG CRUZADA DE PENITENCIA Y CARIDAD, 1952, NA NAGTAGUYOD NG PANANAMPALATAYANG KATOLIKO SA MGA BARYO NG PAMPANGA SA HARAP NG BANTANG KOMYUNISTA. PINANGALANAN SIYANG UNANG PILIPINONG KONDE NG PAPA DAHIL SA KANYANG MGA AMBAG SA SIMBAHAN SUBALIT PINILING IPAGLINGKOD ANG KANYANG BUHAY NA NAKASUOT NG SUTANANG PRANSISKANO BILANG KASAPI NG IKATLONG ORDEN. ISANG DEBOTO NG INANG MARIA NG MABUTING PAYO HABANG NASA ROMA. IPINANGALAN SA KANYA ANG UNANG SEMINARYO SA PAMPANGA, 1950. TAGPAGTAGUYOD NG PAGTUTURO NG NOLI ME TANGERE AT EL FILIBUSTERISMO NI RIZAL SA MGA PAARALAN. NAMUHAY NA ISANG KONTEMPLATIBO SA HULING MGA ARAW SA HOSPICIO DE SAN JOSE HANGGANG SA YUMAO 27 MARSO 1961.

Angeles - Landas ng Pagkabansang Pilipino, 1899

NHCP Photo Collection, 2025

NHCP Photo Collection, 2025

NHCP Photo Collection, 2025
Location: Angeles, Pampanga
Category: Sites/Events
Type: Site
Status: Level II - Historical marker
Marker date: 6 February 2025
Installed by: National Historical Commission of the Philippines (NHCP)
Marker text:
ANGELES
LANDAS NG PAGKABANSANG PILIPINO, 1899

ANG BAYANG ITO, NGAYO'Y LUNGSOD NG ANGELES, PANSAMANTALANG LUMAGI SI EMILIO AGUINALDO, PANGULO NG UNANG REPUBLIKA NG PILIPINAS, PARTIKULAR SA TAHANAN NI DON FLORENTINO PAMINTUAN, 5 HUNYO 1898, SA KALAPIT NA SIMBAHAN NG STO. ROSARIO ISINAGAWA ANG PAGGUNITA SA UNANG ANIBERSARYO NG PROKLAMASYON NG KALAYAAN NG PILIPINAS, 12 HUNYO 1899, ANG PUNONG HIMPILAN NI AGUINALDO SA MGA PANAHONG ITO AY NASA KATABING BAYAN NG BAMBAN, TARLAC, HANGGANG MANUMBALIK ANG REGULAR NA OPERASYON NG PAMAHALAANG REPUBLIKANO SA TARLAC, TARLAC, 17 HUNYO 1899.

ANG PANANDANG PANGKASAYSAYANG ITO AY PINASINAYAAN BILANG AMBAG SA PAGGUNITA SA IKA-125 ANIBERSARYO NG KALAYAAN AT PAGKABANSANG PILIPINO, 12 HUNYO 2023 – 23 MARSO 2026.

Remedios Gomez-Paraiso

NHCP Photo Collection, 2024

NHCP Photo Collection, 2024

NHCP Photo Collection, 2024

Location: Gomez Legacy Park, Mexico, Pampanga
Category: Personages
Type: Biographical marker
Status: Level II - Historical marker
Marker date: 12 July 2024
Installed by: National Historical Commission of the Philippines (NHCP)
Marker text:
REMEDIOS GOMEZ-PARAISO 

PINUNONG GERILYA NOONG IKALAWANG DIGMAANG PANDAIGDIG AT TAGAPAGSULONG NG KARAPATANG PANGKABABAIHAN. ISINILANG SA ANAO, MEXICO, PAMPANGA, 12 HULYO 1918. AKTIBO SA PAGSULONG NG KARAPATAN NG MGA MAGSASAKA SA GITNANG LUZON. KASAPI NG FRENTE POPULAR, ANAK PAWIS AT AGUMAN DING MALDANG TALAPAGOBRA. LUMABAN SA PANANAKOP NG MGA HAPON NOONG IKALAWANG DIGMAANG PANDAIGDIG BILANG KASAPI NG HUKBO NG BAYAN LABAN SA MGA HAPON (HUKBALAHAP). PINUNO, SQUADRON 3-V NG HUKBALAHAP NA KILALA BILANG “KUMANDER LIWAYWAY.” ISA SA MGA PINUNO NG MGA GERILYA SA LABANAN SA TALAMPAS NG CAMANSI, MAYO 1943. BINIGYANG-DIIN NIYA ANG MAGAGAWA NG KABABAIHANG PILIPINO SA PAKIKIPAGLABAN PARA SA KALAYAAN NG BANSA. ISA SA MGA NAGSULONG NA KILALANIN NG PAMAHALAAN ANG MGA BETERANONG HUK AT ANG KANILANG KONTRIBUSYON MATAPOS ANG DIGMAAN. YUMAO, 15 MAYO 2014.

Sa Alaala Ng Mga Nasawi Sa Pagsunog Sa Macabebe

NHCP Photo Collection, 2024

NHCP Photo Collection, 2024

NHCP Photo Collection, 2024

Location: Macabebe, Pampanga
Category: Sites/Events
Type: Event
Status: Level II - Historical marker
Marker date: 27 April 2024
Installed by: National Historical Commission of the Philippines (NHCP)
Marker text:
SA ALAALA NG MGA NASAWI
SA PAGSUNOG NG MACABEBE

IUPANG MAANTALA ANG PAG-ABANTE NG HUKBONG AMERIKANO SA PAMAMAGITAN NG ILOG PAMPANGA, SINUNOG NG MGA SUNDALO NG UNANG REPUBLIKA ANG SIMBAHAN NG MACABEBE, PAMPANGA, 27 ABRIL 1899. ILANG MGA TAGA-MACABEBE ANG KASAMANG SINUNOG NG BUHAY SA LOOB NG SIMBAHAN. ANG PANGYAYARING TULAD NITO ANG NAGBUNSOD SA POOT NG MGA TAGA-MACABEBE UPANG SUMUPORTA SILA SA KAMPANYA NG AMERIKA LABAN SA UNANG REPUBLIKA AT KALAUNA'Y KINASANGKAPAN SILA UPANG DAKPIN SI PANGULONG EMILIO AGUINALDO SA PALANAN, ISABELA, 23 MARSO 1901.

Arayat - Landas ng Pagkabansang Pilipino, 1899

NHCP Photo Collection, 2024

NHCP Photo Collection, 2024

NHCP Photo Collection, 2024
Location: Arayat, Pampanga
Category: Sites/Events
Type: Site
Status: Level II - Historical marker
Marker unveiling date: 11 April 2024
Installed by: National Historical Commission of the Philippines (NHCP)
Marker text:

ARAYAT
LANDAS NG PAGKABANSANG PILIPINO, 1899

SA BAYANG ITO KINANLONG ANG MGA OPISYAL NG PAMAHALAANG SENTRAL NI EMILIO AGUINALDO, PANGULO NG UNANG REPUBLIKA NG PILIPINAS, HABANG PATUNGO SA SAN ISIDRO, NUEVA ECIJA, KABISERA NG REPUBLIKA MULA SA MALOLOS, BULACAN, 29-30 MARSO 1899. ITO AY UPANG ILAYO ANG PAMAHALAANG SENTRAL MULA SA PAG-ABANTE NG HUKBONG AMERIKANO PATUNGONG MALOLOS. NILISAN ANG ARAYAT PARA SA SAN ISIDRO, 30 MARSO 1899.

ANG PANANDANG PANGKASAYSAYANG ITO AY PINASINAYAAN BILANG AMBAG SA PAGGUNITA SA IKA-125 ANIBERSARYO NG KALAYAAN AT PAGKABANSANG PILIPINO, 12 HUNYO 2023 – 23 MARSO 2026.

San Fernando - Landas Ng Pagkabansang Pilipino, 1898-1899


NHCP Photo Collection, 2024

NHCP Photo Collection, 2024

NHCP Photo Collection, 2024

Location: San Fernando, Pampanga
Category: Sites/Events
Type: Site
Status: Level II - Historical marker
Marker unveiling date: 1 April 2024
Installed by: National Historical Commission of the Philippines (NHCP)
Marker text:

SAN FERNANDO
LANDAS NG PAGKABANSANG PILIPINO, 1898-1899

SA SAN FERNANDO, PAMPANGA PANSAMANTALANG LUMAGI SI EMILIO AGUINALDO, PANGULO NG UNANG REPUBLIKA NG PILIPINAS, AT ANG PAMAHALAANG SENTRAL HABANG PATUNGO SA SAN ISIDRO, NUEVA ECIJA, KABISERA NG REPUBLIKA MULA SA MALOLOS, BULACAN, 28-29 MARSO 1899. ITO AY UPANG ILAYO ANG PAMAHALAANG SENTRAL MULA SA PAG-ABANTE NG HUKBONG AMERIKANO PATUNGONG MALOLOS. NILISAN ANG SAN FERNANDO PARA TUMUNGO SA ARAYAT, PAMPANGA, 29 MARSO, 1899.

ANG PANANDANG PANGKASAYSAYANG ITO AY PINASINAYAAN BILANG AMBAG SA PAGGUNITA SA IKA-125 ANIBERSARYO NG KALAYAAN AT PAGKABANSANG PILIPINO, 12 HUNYO 2023 – 23 MARSO 2026.

Santa Iglesia

NHCP Photo Collection, 2023

NHCP Photo Collection, 2023

Location: San Fernando City Hall, San Fernando City, Pampanga
Category: Association/Institution/Organization
Type: Institutional marker
Status: Level II - Historical marker
Marker date: 10 December 2023
Installed by: National Historical Commission of the Philippines (NHCP)
Marker text:
SANTA IGLESIA

KAPATIRANG PANRELIHIYON NG MGA MARALITA AT MAGSASAKA SA GITNANG LUZON NA ITINATAG SA TABUYOC, APALIT, PAMPANGA, 1887. TAGAPAGSULONG NG KALAYAAN, KARAPATANG PANTAO, PAGKAKAPANTAY-PANTAY, AT DAMAYAN. UNANG TINAWAG NA GABINISTA, SUNOD SA PANGALAN NG TAGAPAGTATAG NITONG SI GAVINO CORTES. BINUWAG NG MGA GUARDIA CIVIL NG BULACAN, PAMPANGA, AT NUEVA ECIJA, 1888. MULING ITINATAG NI FELIPE SALVADOR, 1894. SINALAKAY NG MGA SUNDALONG ESPANYOL SA SAN LUIS, PAMPANGA, 24 DISYEMBRE 1896. NAPILITANG LUMABAN KASAMA NG VOLUNTARIOS DE APALIT DAHIL SA PAGBITAY KAY CORTES AT PANANAMBANG KAY SALVADOR. NANGUNA SA PAGHIHIMAGSIK SA PAMPANGA, 19-22 PEBRERO 1898. SUMUPORTA SA PAGPAPALAYA NG PAMPANGA MULA SA MGA ESPANYOL, HUNYO 1898. IPINAGPATULOY ANG PAGLABAN SA MGA AMERIKANO SA LUZON HANGGANG SA MADAKIP SI SALVADOR, 1910.

Katedral ng San Fernando

NHCP Photo Collection, 2023

NHCP Photo Collection, 2023



NHCP Photo Collection, 2023

Location: San Fernando City, Pampanga
Category: Buildings/Structures
Type: House of worship
Status: Level II - Historical marker
Marker date: 15 August 2023
Installed by: National Historical Commission of the Philippines (NHCP)
Marker text:
KATEDRAL NG SAN FERNANDO

ITINAYO NG MGA AGUSTINO ANG UNANG SIMBAHAN, 1755. ISINALIN SA PAMAMAHALA NG MGA PARING SEKULAR, 1788. IPINAGAWA YARI SA BATO, 1788-1888. NAGING HIMPILAN NG HUKBONG REBOLUSYONARYO NG PAMPANGA, 1898. IPINASUNOG NI HENERAL ANTONIO LUNA UPANG DI MAPAKINABANGAN NG MGA AMERIKANO, 1899. MULING NASUNOG, 1939, AT ISINAAYOS AYON SA DISENYO NI FERNANDO OCAMPO MATAPOS ANG IKALAWANG DIGMAANG PANDAIGDIG. PINAGLUNSARAN NI PANGULONG MANUEL QUEZON NG SOCIAL JUSTICE PROGRAM NA NILAHUKAN NG LIBO-LIBONG MAGSASAKA AT MANGGAGAWA MULA SA GITNANG LUZON, 1939. NAGING KATEDRAL NG SAN FERNANDO, 1948.

Jose B. Lingad

NHCP Photo Collection, 2021

NHCP Photo Collection, 2021

NHCP Photo Collection, 2021
Location: Jose B. Lingad Park and Museum, Brgy. San Nicolas 1st, Lubao, Pampanga
Category: Personages
Type: Biographical marker
Status: Level II - Historical marker
Marker unveiling date: 24 November 2021
Installed by: National Historical Commission of the Philippines (NHCP)
Marker text:
JOSE B. LINGAD 
1914–1980

ISINILANG SA LUBAO, PAMPANGA, 24 NOBYEMBRE 1914. PINUNO, SOUTHERN DISTRICT, EAST CENTRAL LUZON GUERRILLA AREA, USAFFE, 3 ABRIL 1941. NAKATAKAS SA DEATH MARCH AT NAGTATAG NG KILUSANG GERILYA SA LUBAO, PAMPANGA. TAGAPAGTATAG, PAMPANGA MILITARY DISTRICT, SETYEMBRE 1942. GOBERNADOR NG PAMPANGA, 1948–1951, AT NAGLINGKOD SA IBA’T IBANG AHENSYA NG PAMAHALAAN SA ILCLIM NI PANGULONG DIOSDADO MACAPAGAL. MAMBABATAS NG MABABANG KAPULUNGAN, 1969–1972, AT ISINULONG ANG KARAPATAN NG MGA MAGSASAKA AT PAKIKIPAG-USAP SA MGA KOMUNISTA. KRITIKO NG ADMINISTRASYONG MARCOS. IPINAKULONG MATAPOS IDEKLARA ANG BATAS MILITAR, 23 SETYEMBRE – 25 DISYEMBRE 1972. PINASLANG SA ILALIM NG DIKTADURA, 16 DISYEMBRE 1980.

Bienvenido M. Gonzalez

© Ramon FVelasquez/Wikimedia Commons/CC-BY-SA 3.0
Location: Apalit, Pampanga
Category: Personages
Type: Biographical marker
Status: Level II - Historical marker
Marker date: 30 December 1982
Installed by: National Historical Institute (NHI)
Marker text:
BIENVENIDO M. GONZALEZ

IPINANGANAK SA APALIT, PAMPANGA, 22 NOBYEMBRE 1893. NAKAMIT ANG MGA TITULONG DALUBHASA SA AGHAM, UNIVERSITY OF WISCOSIN, 1915, AT DOKTOR SA AGHAM, JOHNS HOPKINS UNIVERSITY, 1923. NAGING DEKANO, KOLEHIYO NG PAGSASAKA, PAMANTASAN NG PILIPINAS SA LOS BAÑOS; IKAANIM NA PANGULO NG PAMANTASAN NG PILIPINAS; AT TAGAPANGULO NG PAMBANSANG SANGGUNIANG NG PANANALIKSIK SA PILIPINAS. TUMANGGAP NG GINTONG MEDALYA NG KAGALINGAN AT DIPLOMA NG KARANGALAN DAHIL SA KANYANG MGA KATANGI-TANGING NAGAWA SA LARANGAN NG AGHAM. NAMATAY, 30 DISYEMBRE 1953. 

Bacolor

Location: Bacolor, Pampanga
Category: Sites/Events
Type: Site
Status: Level II - Historical marker
Marker date: 10 February 1976
Installed by: National Historical Institute (NHI)
Marker text: 
BACOLOR
(1576-1976)

ITINATAG NG MGA PARING AGUSTINO NOONG 1576 AT NAGING SANTONG PATRON AY SI GUILLERMONG ERMITANYO. NAGING HIMPILAN NI SIMON DE ANDA (OKTUBRE 6, 1762 HANGGANG MAYO 30, 1764) NANG MAKIPAGLABAN SA MGA INGLES. GINAWANG "VILLA DE BACOLOR" NOONG NOBYEMBRE 9, 1765 AYON SA KAUTUSAN NG HARI.

ITINATAG ANG PAMAHALAANG SIBIL SA ILALIM NG NG MGA AMERIKANO NOONG PEBRERO 13, 1901. NOONG 1904 AY INALIS SA BACOLOR ANG PAMAHALAANG-LALAWIGAN AT INILIPAT SA SAN FERNANDO.

Unang Pamahalaan Sibil

Location: Bacolor, Pampanga
Category: Sites/Events
Type: Site
Status: Level II - Historical marker
Marker date: 13 February 1978
Installed by: National Historical Institute (NHI)
Marker text: 
UNANG PAMAHALAANG SIBIL

ITINATAG NG KOMISYON NG PILIPINAS NA PINANGUNAHAN NI WILLIAM H. TAFT ANG UNANG PAMAHALAANG SIBIL SA PAMPANGA SA BAYANG ITO NOONG PEBRERO 13, 1901. NAGING PUNONG LALAWIGAN SI CEFERINO JOVEN. PAGKARAAN, NOONG 1904, ANG PAMAHALAANG SIBIL AY INILIPAT SA SAN FERNANDO.

SA BISA NG KAUTUSAN BILANG 1702 NG PAGULONG FERDINAND E. MARCOS NA KANYANG NILAGDAAN NOONG ENERO NG 1978, ANG PEBRERO 13 AY ITINALAGA BILANG "ARAW NG PAMPANGA."

Monico R. Mercado

Location: Sexmoan, Pampanga
Category: Personages
Type: Biographical marker
Status: Level II - Historical marker
Marker date: 1966
Installed by: National Historical Commission (NHC)
Marker text:
MONICO R. MERCADO

POET, LAWYER, EDUCATOR AND LEGISLATOR. BORN IN SEXMOAN, PAMPANGA, MAY 4, 1875. CO-SPONSORED THE BILL INSTITUTING THE FIRST IRRIGATION SYSTEMS IN THE PHILIPPINES. CO-FOUNDER OF KATIPUNAN MIPANAMPUN AND ACADEMIA PAMPANGUEÑA. VICE-PRESIDENT OF GUAGUA NATIONAL COLLEGES. AUTHOR OF THE NOVEL KETANG MILABAS. DIED IN MANILA, JANUARY 26, 1952.

Vicente S. Manansala (1910–1981) [Pampanga]

© Ramon FVelasquez/Wikimedia Commons/CC-BY-SA 3.0
Location: Macabebe Municipal Hall, Poblacion, Macabebe, Pampanga
Category: Personages
Type: Biographical marker
Status: Level II - Historical marker
Marker date: 22 August 1985
Installed by: National Historical Institute (NHI)
Marker text:
VICENTE S. MANANSALA
(1910–1981)

BANTOG NA PINTOR AT MIYURALISTA. ISINILANG SA MACABEBE, PAMPANGA, NOONG ENERO 22, 1910. NAGTAPOS NG FINE ARTS SA PAMANTASAN NG PILIPINAS, 1930. TAGAGUHIT AT LAY-OUT ARTIST NG PHILIPPINES HERALD, PHOTO NEWS, LIWAYWAY AT SATURDAY EVENING NEWS, NAGWAGI NG UNANG GANTIMPALA ANG KANYANG “POUNDING RICE,” 1940, AT “BARUNG-BARONG NO. 1,” 1950. TUMANGGAP NG OUTSTANDING U.P. ALUMNI AWARD, 1957; REPUBLIC CULTURAL HERITAGE AWARD, 1963; AT ARAW NG MAYNILA PATNUBAY NG KALINANGAN AWARD, 1970. GUMUHIT NG MIYURAL “FREEDOM OF THE PRESS,” “STATIONS OF THE CROSS,” “AGHAM AT HUMANIDAD,” ATBP. GINAWARAN PAGKAMATAY BILANG ISANG NATIONAL ARTIST, 1981. NAMATAY NOONG AGOSTO 22, 1981.

Artillery Memorial

Photo from the Philippine Veterans Affairs Office (PVAO) Facebook Page

© Roel Balingit/Wikimedia Commons/CC-BY-SA 4.0

Location: Changi Gateway, Clark Freeport, Mabalacat, Pampanga
Category: Sites/Events
Type: Site
Status: Level II - Historical marker
Marker date: 11 May 2017
Installed by: National Historical Commission of the Philippines (NHCP)
Marker text: 
ARTILLERY MEMORIAL

DATING KAMPO DAU, NAGING KAMPO DEL PILAR BILANG PARANGAL SA BAYANI NG PASONG TIRAD: SI HENERAL GREGORIO DEL PILAR.

TAHANAN NG “PHILIPPINE ARMY ARTILLERY TRAINING CENTER” MULA MARSO 10, 1937 HANGGANG DISYEMBRE 10, 1941. SA POOK NA ITO SINANAY ANG MGA BAGONG SAPI SA KAWAL NG ARTILERIYA NA NATALAGA SA IBA’T IBANG PANGKAT NG 137TH FA, 237TH FA, 138TH FA, 238TH FA, 139TH FA, 239TH FA, 140TH FA, 240TH FA AT 141ST FA. NASA POOK DING ITO ANG “ARTILLERY SCHOOL FOR RESERVE COMMISSION”.

ANG MAHIGPIT NA PAGSASANAY NA ISINAGAWA RITO AY NAGBUNGA NG ISANG MATAAS NA URI NG PANUNTUNAN SA DISIPLINA, ESPRIT DE CORPS, PAGMAMAHAL SA TUNGKULIN AT BANSA.

ANG ARTILERIYA RIN ANG SIYANG TUMUGON SA TAWAG NG PANGANGAILANGAN PARA IPAGTANGGOL ANG ATING INANG-BAYAN AT NAGLINGKOD NG BUONG GITING AT TAPANG SA LABANAN SA BATAAN AT CORREGIDOR. LUMABAN SA KILUSAN NG MGA PUWERSANG SALUNGAT, DIGMAAN SA KOREA AT VIETNAM, AT SA KAMPANYA SA PAGSUGPO NG INSUREKSYON.

ITO ANG PAMANA NA NAIWAN NG ARTILERIYA NG HUKBONG SANDATAHANG LAKAS NG PILIPINAS.

Mansyong Pamintuan

NHCP Photo Collection, 2018
© Judgefloro/Wikimedia Commons
Location: Pamintuan Mansion, Santo Entierro Street cor. Miranda Street, Angeles City, Pampanga
Category: Buildings/Structures
Type: House, NHCP Museum
Status: Level II - Historical marker
Marker date: 17 August 2017
Installed by: National Historical Commission of the Philippines (NHCP)
Marker text:
MANSYONG PAMINTUAN

IPINATAYO NI MARIANO PAMINTUAN NOONG MGA TAONG 1890. NAGING PUNONG HIMPILAN NG TANGGULAN NG REPUBLIKA NG PILIPINAS LABAN SA PUWERSANG AMERIKANO, MAYO 1899. NAGSILBING PANSAMANTALANG TANGGAPAN NI PANGULONG EMILIO AGUINALDO HABANG INIHAHANDA ANG TARLAC BILANG KABISERA NG REPUBLIKA, HUNYO 1899. SA TAPAT NITO IDINAOS ANG PARADANG MILITAR NOONG BISPERAS NG UNANG ANIBERSAYO NG PROKLAMASYON NG KALAYAAN NG PILIPINAS, 1899. NAGING HIMPILAN NI HENERAL ARTHUR MACARTHUR, AGOSTO 1899. TAHANAN NG MGA PILIPINONG KAMIKAZE NG HUKBONG PANGHIMPAPAWID NG HAPON, 1944–1945. PINAUPAHAN BILANG ANGELES HOTEL, 1948. BINILI NI PEDRO TABLANTE MULA SA PAMILYANG PAMINTUAN, 1959. NAGING EKSTENSIYON NG BAHAY-PAMAHALAAN NG ANGELES, 1964. BINILI NG BANGKO SENTRAL NG PILIPINAS ANG LOTE HABANG IPINAGKALOOB NG PAMILYANG TABLANTE ANG BAHAY UPANG AYUSIN NG PAMAHALAAN, 1981. ISINALIN SA PAMBANSANG KOMISYONG PANGKASAYSAYAN NG PILIPINAS, 17 HUNYO 2010. PINASINAYAAN ANG MUSEO NG KASAYSAYANG PANLIPUNAN NG PILIPINAS, 24 AGOSTO 2015.

Emilio Aguilar Cruz (1915–1991)

Location: Emilio Aguilar Cruz Museum, Abe’s Farm, Magalang, Pampanga
Category: Personages
Type: Biographical marker
Status: Level II - Historical marker
Marker date: August 7, 1992
Installed by: National Historical Institute (NHI)
Marker text:
EMILIO AGUILAR CRUZ 
(1915–1991)

IPINANGANAK, HUNYO 5, 1915, MAGALANG, PAMPANGA. MANUNULAT, EDITOR, KRITIKO SA SINING, PINTOR, DIPLOMATIKO, MAKABAYAN AT MAKATAO. MANUNULAT SA INGLES AT PILIPINO AT MAY-AKDA NG MARAMING NATATANGING SANAYSAY AT MGA MAIKLING KUWENTO. PUNONG EDITOR NG DAILY MIRROR. KOLUMNISTA NG IBA’T-IBANG PAHAYAGAN, AWTOR NG SANAYSAY, “AUTOCHTONOUS TRADITION,” ISANG MAHALAGANG KRITIKONG PANSINING SA PILIPINAS NOONG KANYANG KAPANAHUNAN. ANG KANYANG KOLEKSIYON NG MGA SANAYSAY, “MAYNILA AND OTHER EXPLORATIONS,” AY NALATHALA NOONG 1978. BILANG PINTOR, SIYA ANG INSPIRASYON NG PANGKAT DIMASALANG. NAGSALIN SA INGLES NG SALAYSAY PANGKASAYSAYANG PRANSES UKOL SA PILIPINAS. DAHIL SA KANYANG MGA MAKABAYANG ISINULAT SIYA AY GINAWARAN NG RIZAL PRO-PATRIA AWARD NOONG 1961. BILANG PLENIPOTENSIYARYONG EMBAHADOR, SIYA ANG PERMANENTENG KINATAWAN NG BANSA SA UNESCO, PARIS, 1978–1931. KOMISYUNADO NG PAMBANSANG SURIANG PANGKASAYSAYAN, 1967–1991. NAMATAY, DISYEMBRE 19, 1991.

Magalang

Location: Magalang–Arayat Road, Magalang, Pampanga
Category: Sites/Events
Type: Site
Status: Level II - Historical marker
Marker date: 1954
Installed by: Philippines Historical Committee (PHC)
Marker text:
MAGALANG

ESTABLISHED BY THE AUGUSTINIANS AT MACAPSA IN 1605. SCENE OF THE ENCOUNTER BETWEEN THE FOLLOWERS OF ANDRES MALONG LED BY MELCHOR DE VERA AND THE SPANISH TROOPS IN 1660. MOVED TO SAN BARTOLOME IN 1734. SWEPT BY THE PARUA RIVER IN THE FLOOD OF 1863. RE-ESTABLISHED IN BARRIO SAN PEDRO ON 13 DECEMBER 1863 BY GOBERNADORCILLO PABLO M. LUCIANO. THE REVOLUTIONARY GOVERNMENT TOOK OVER, 12 JUNE 1898 UNTIL 5 NOVEMBER 1899 WHEN THE AMERICANS SUCCEEDED. OCCUPIED BY THE JAPANESE, 3 JANUARY 1942. LIBERATED BY THE AMERICANS, 24 JANUARY 1945. TURNED OVER TO THE REPUBLIC OF THE PHILIPPINES, 4 JULY 1946.